Kinaray-a | Philippine Indigenous Languages Lecture Series

  • Date: 29 Sep 2023 | 10:00 AM - 12:00 PM

Ang Papel ng Masisiglang Wika sa Diskurso ng Panganganib Pangwika
Philippine Indigenous Languages Lecture Series (PILLS)
29 September 2023 | 10:00am | Palma Hall Room 428

 

Para sa installment ng PILLS sa buwan ng Setyembre, magbibigay ng lektura si Instr. Noah Cruz, MA student at miyembro ng kaguruan ng Departamento. Itatampok sa lektura ang wikang Kinaray-a at ang papel nito sa diskurso ng panganganib pangwika.

 

ABSTRACT:
Malaon nang pinag-uusapan ang nakababahalang kalagayan ng marami at parami nang parami pang mga wika sa daigdig. Gayunman, kapansin-pansin na sa konteksto ng Pilipinas, ang usapin ng panganganib pangwika ay tila nakasentro lamang sa mga wikang may maliliit na populasyon o hindi kaya’y sa mga wikang sinasalita sa mga liblib na pook. Sa ganitong pagnanaratibo, naisasantabi ang danas ng iba pang mga wika, partikular ang mga wikang ipinapalagay na mas masigla ang paggamit. Magkaroon man ng banggit sa masisiglang wika, naroroon naman ang pagpipintang ang masisigla at nanganganib na mga wika ay palaging nagtutunggalian at ang masisiglang wika ang mapaminsalang puwersa sa nangyayaring tunggaliang ito. Layunin ng lekturang ito na makaambag sa pagpapanibagong-hulma ng namamayaning naratibo sa diskurso ng panganganib pangwika sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtatampok sa natatanging papel ng masisiglang wika sa naturang usapin. Bibigyang-tuon sa presentasyon ang kalagayan ng wikang Kinaray-a na sinasalita sa munisipalidad ng Miag-ao sa lalawigan ng Iloilo. Batay sa resulta ng isinagawang sarbey sa ilang mananalita ng Kinaray-a sa nasabing munisipalidad at sa mga talang nakalap mula sa mga naunang saliksik tungkol sa wikang Kinaray-a, ihahain ang ilang palagay patungkol sa mga salik na nakaapekto sa sigla ng isang wika. Ilan sa mga katanungang minimithing mabigyang-kasagutan sa lektura ay ang mga sumusunod: (1) Kung ang karamihan sa mga miyembro ng isang komunidad pangwika ay nagsasalita ng wikang iba sa kanilang katutubong wika, ang kanilang katutubong wika ba ay awtomatikong manganganib?; (2) Ang masisiglang wika ba ang dahilan ng panganganib ng “maliliit” na wika?; at (3) May kaugnayan ba ang kalidad at dami ng dokumentasyon sa sigla ng isang wika?