Lexicon Unpacked: pag-ibig
- Date: 14 Feb 2023 | 1:43 PM - 3:30 PM
Malugod po namin kayong inaanyayahang tunghayan ang ikatlong instalasyon ng Lexicon Unpacked. Para sa edisyong ito, itinatampok at hihimayin ang konsepto ng “pag-ibig” gamit ang iba’t ibang lapit sa linggwistiks. Ito ay gaganapin sa araw ng mga puso, 14 Pebrero 2023, sa ganap na 1:43 n.h. sa Facebook page at YouTube channel ng Departamento ng Linggwistiks.
What’s love got to do with it? Dayakronikong pagsusuri ng mga salitang may kinalaman sa “love” sa wikang Tagalog
Kaw. Prop. Jesus Federico C. Hernandez
Ano nga ba ang love sa Tagalog? Sa kwentuhang ito, titingnan ang mga salitang may kinalaman sa konseptong “love” sa wikang Tagalog, tulad ng mahal, ibig, sinta, at irog. Gagamitin ang mga metodolohiya ng dayakronikong linggwistiks upang matukoy ang pinagmulan at mga pagbabagong pangwikang dinaanan ng mga salitang ito sa daloy ng panahon.
Gawaan ng magaling: Mga negosasyon patungkol sa kasal at pag-aasawa sa ilang komunidad sa Batangas
Kat. Prop. Madilene B. Landicho
Sa presentasyong ito ay ilalarawan ang praktis sa ilang komunidad sa Batangas na tinatawag na gawaan ng magaling, isang kinasanayang gawain kung saan nagkakaroon ng pag-uusap at negosasyon ang mga pamilya at kamag-anak ng mga ikakasal o magiging mag-asawa upang makabuo ng mga desisyong magiging katanggap-tanggap sa parehong partido. Susubukang mabigyang linaw kung ano ang ginagawa at ano ang minamagaling sa gawaan ng magaling.
Awit ang magmahal: Isang etnosemantikong analisis sa konseptong “mahal” sa Filipino
Kat. Prop. Jay-Ar M. Igno
Nais magbahagi sa pag-aaral na ito ng mga konseptong may kinalaman sa salitang “mahal” sa Filipino, at maunawaan ang mga kaakibat na kahulugan sa paggamit nito. Mangangalap ng mga linggwistikong ekspresyon at mga metapora gamit ang salitang “mahal” sa mga Original Pilipino Music (OPM) sa kasalukuyan at mga nagdaang dekada. Gagamitin ang mga ito para maipakita ang iba’t ibang gamit nito at mga pakahulugan at interpretasyon sa kultura at karanasan ng mga Filipino. Susubukang ipakita rito ang mga damdamin, intensyon, relasyon, at emosyon ng mga taong sangkot sa diskurso sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga iba’t ibang saklaw sa mga mensahe ng mga awiting Filipino. Layon nitong makapagbigay kontribusyon sa pagkaunawa natin sa isang kultura, sa mga kaugalian, paniniwala at maging sa relasyong panlipunan sa pamamagitan ng interpretasyon ng mga kahulugang kaakibat ng mga partikular na konsepto at ekspresyon. Para maisagawa ang analisis ng mga datos, gagamitin ang etnosemantikong pagtingin sa mas pinalawig na mundo ng Natural Semantic Metalanguage (NSM).