Ginanap noong nakaraang Sabado, Ika-15 ng Oktubre 2022, ang unang installment ng bagong proyektong “Pasinatì: Pagsasanay sa Wika, Teorya, at Metodolohiya” ng Sentro ng Wikang Filipino – Unibersidad ng Pilipinas Diliman (SWF-UPD) kasama ang UPD Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA) at ang ating Departamento.
Sa kaniyang panimulang pananalita, sinabi ni Direktor Jayson D. Petras na mulang wikang Sinugbuhanong Binisaya ang salitang pasinatì na nangangahulugang ‘oryentasyon’ o ‘pagpapakilala sa kasanayan,’ kung kaya’t nilalayon ng kanilang institusyon na magkaroon pa ng mga susunod na pasinatì na magtatampok sa iba pang mga metodolohiya at teknikal na kaalaman sa larangan ng pag-aaral ng wika.
Umikot ang pitong sesyon sa temang “Fieldwork at Language Documentation sa Konteksto ng mga Wika sa Pilipinas” sa pagpapadaloy ni Kat. Prop. April Perez ng Departamento ng Wikang Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP).
Binuksan ni Inst. Vincent Christopher A. Santiago ang unang bahagi ng programa sa paglalatag ng mga pundamental na konsepto at pangangailangan sa language documentation (LangDoc) sa sesyong “Mga pangunahing kahingian at konsiderasyon sa pagsasagawa ng isang language documentation project”. Tinalakay niya ang pagiging magkaiba ngunit magkatuwang ng language description (LangDesc) at LangDoc sa mga teoretikal at praktikal na antas. Pumasok din sa diskusyon ang mga materyal na pangangailangan sa pagre-record sa mga gumagamit ng wika at ang paglalagak ng datos-pangwika sa mga arkayb.
Sumunod si Kat. Prop. Maria Kristina Gallego sa pagbabahagi ng kaniyang mga karanasan sa pagdodokumento ng wikang Ibatan sa Babuyan Claro, sa Lalawigan ng Cagayan, Rehiyon 2, sa Hilagang Luzon. Naipakita niya sa kaniyang sesyong “Language documentation sa konteksto ng mga multilingual na komunidad” na mahalagang iangkla sa partikular na sosyolingguwistikong konteksto ang mga teknik at kasangkapan sa pagbuo ng dokumentasyon; sa kaso ng Babuyan Claro ay isang komunidad na gumagamit ng mga wikang nabibilang sa dalawang magkaibang pangkat: Ibatan (Batanic/Bashiic) at Ilokano (Northern Luzon). Naging mabunga rin ang talakayan ng mga kalahok kung saan naibahagi nila ang iba’t ibang wikang ginagamit nila sa iba’t ibang domain at panlipunang situwasyon, kung paano at mula kanino sila na-expose sa mga ito, atbp.
Tinalakay naman ni Kat. Prop. Ria Rafael ang apat na sukatan ng “kalusugan” ng mga wika sa kaniyang sesyong “Mga instrumentong ginagamit para sa language vitality assessment”. Inilahad niya ang kasaysayan at paraan ng paggamit sa mga sukatang Graded Intergenerational Disruption Scale (GIDS) ni Joshua Fishman, na siyang pinalawak nina Paul Lewis at Gary Simons sa Expanded Graded Intergenerational Disruption Scale (EGIDS), ang Language Vitality and Endangerment (LVE) ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO), at ang European Language Vitality Barometer (EuLaViBar). Naipakita rin sa bahaging ito ng workshop ang mga limitasyon at potensiyal na modipikasyong maaaring gawin sa mga sukatang ito para mas umangkop sa mga komunidad na gumagamit ng mga wika sa Pilipinas.
Ang panghapong bahagi ng programa ay sinimulan ni Kat. Prop. Kritsana Canilao na nagbigay ng komparatibong pagsipat sa mga proyektong LangDoc sa Thailand at Pilipinas. Sa kaniyang sesyong “Pagtukoy sa mga pangangailangang pangwika ng komunidad”, inilahad niya ang mga kongkretong karanasan niya sa pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng mga kultural na komunidad sa Thailand, ang pag-angkin nila sa gawain ng pagbabalik-sigla sa wika, at ang pagdebelop ng ortograpiya para rito upang makabuo pa ng materyales at babasahin. Bagaman maraming mga natukoy na pagkakapareho sa karanasang Thai at karanasang Pilipino sa mga case study na ito, lumilitaw pa rin ang mga pagkakaiba at bumabalik sa puntong may mga sariling pinanggagalingang kasaysayan at kinalalagyan ang bawat komunidad ng taong gumagamit ng wika.
Kaugnay ng paksang pag-angkin at aktibong pakikilahok ng mga miyembro ng komunidad sa sarili nilang proyektong pangwika, inilahad ni PhD Ling Candidate Ryn Jean Fe Gonzales ng Summer Institute of Linguistics-Philippines (SIL-Philippines) ang karanasan niya sa pagdodokumento at pagdebelop ng literacy materials sa wikang Itneg Inlaud sa Lalawigan ng Abra. Ibinahagi niya ang pagpaplano, mga hakbang, at mga natutuhan sa pakikipagtulungan sa project team na binubuo ng mga nagsasalita mismo ng Itneg Inlaud. Naipakita rito na maaaring sabayang matupad ang mga rekisitong pagre-record ng sari-saring uri ng lingguwistikong datos, balidasyon ng datos sa mga tagapagsalita at tagapagdala ng kultura, at paglalagak ng datos sa isang arkayb na maaaring maakses ng komunidad.
Si Manuel S. Tamayao naman ng SIL-Philippines ay nagbigay ng praktikal na introduksiyon sa isang paraan ng pagbuo ng literacy materials sa sariling wika ng komunidad. Sa sesyong “Ang kaugnayan ng language documentation sa pagbuo ng mga literacy materials gamit ang Bloom”, nakapagbigay siya ng live demonstration ng Bloom software na matagumpay nang nakabuo ng materyales-panturo sa maraming wika sa buong mundo, kabilang ang ilang wika sa Pilipinas. May ilang kalahok din ng workshop ang nagbahagi ng sarili nilang pagsubok sa software at ang mga naiisip nilang aplikasyon nito sa sarili nilang pananaliksik o pagtuturo.
Nagtapos ang buong araw na workshop sa panayam ni Kaw. Prop. Jesus Federico Hernandez na “Ang ugnayan ng mananaliksik at komunidad.” Inilugar niya ang kabuuang usapin ng dokumentasyon at deskripsiyon ng wika, pag-engkuwentro sa mga komunidad, pagbuo ng literacy materials, at paglalagak ng datos sa mas malawak na usapin ng katarungang panlipunan. Aniya, hindi maaaring umiral ang anumang usaping pangwika at pangkomunidad nang hindi kinikilala ang suson-suson at multidimensiyonal na mga suliranin at isyung nakaaapekto rito at nagpapanatili sa isang sistemang di-makatarungan. Kinilala niya—at ng iba ring kalahok sa sesyon—ang mga pagkakataong nagdulot pa ng sakit at hirap sa mga komunidad ang mga mananaliksik imbes na matulungan sila sa kanilang mga pangangailangang pangwika. Nagtapos ang sesyon sa pangkalahatang hamon na makisangkot at bumalik sa makataong pakikipag-ugnayan ng mga mananaliksik.
Maaaring bisitahin ang opisyal na website (https://www.swfupdiliman.org/) at Facebook page (https://www.facebook.com/swfupdiliman/) ng SWF-UPD para sa karagdagang detalye ukol sa aktibidad na ito at sa mga susunod pa.
Published by Vincent Christopher Santiago