Dumalo sina Kaw. Prop. Jesus Federico C. Hernandez, Kaw. Prop. Mary Ann G. Bacolod, at Kaw. Prop. Jem R. Javier sa Forum sa Gramatikang Filipino na pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ang forum ay isinagawa sa KWF Bulwagang Romualdez at Zoom noong Setyembre 8, 2023. Kasama nila sina Kaw. Prop. Ma. Althea T. Enriquez at Kaw. Prop. Ronel O. Laranjo ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) upang ihain sa mga kinatawan mula sa Kagawaran ng Edukasyon at sa iba’t ibang mga organisasyong pangwika, unibersidad, at publisher ang borador ng isang bagong sangguniang pinamagatang, “Gramatikang Filipino,” na kanilang isinusulat at sinasaliksik sa kasalukuyan.
Upang magbigay ng kanilang mga reaksyon, nagsalita rin sa forum sina Dr. Aurora E. Batnag (Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino at Tanggol Wika), Dr. Danilyn T. Abingosa (Mindanao State University-Iligan Institute of Technology), Dr. Shirley N. Dita (Linguistic Society of the Philippines at De La Salle University Manila), Dr. Leticia Pagkalinawan (University of Hawai‘i at Manoa), at Dr. Raquel Sison-Buban (De La Salle University Manila).
Matatandaang noong taong 1939 inilathala ang “Balarila ng Wikang Pambansa” ni Lope K. Santos. Noong 2013 naman, inilabas ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF) ang “Gramar ng Filipino” na isinulat ni Dr. Jonathan C. Malicsi, Professor Emeritus ng Linggwistiks sa Departamento.. Ang bagong libro, ayon sa KWF, “ay nakabatay sa makabagong teorya ng pag-aaral ng wika at napapanahong paggamit ng wikang Filipino.”
Ang pinal na bersyon ng sangguniang gramatika ay inaasahang mailalathala ng KWF sa 2024.
(Ang mga larawan ay mula sa FB page ng KWF.)
Published by UP Departamento ng Linggwistiks