PAHAYAG NG DEPARTAMENTO NG LINGGWISTIKS UKOL SA PAGTATATAG NG
CONFUCIUS INSTITUTE SA UNIBERSIDAD NG PILIPINAS-DILIMAN
Lingid sa kaalaman nang nakararami sa Unibersidad, napirmahan na ang isang kasunduan na magbibigay-daan sa pagtatayo ng sangay ng Confucius Institute sa ating Unibersidad noon pang Disyembre 7, 2014. Naging mailap din ang impormasyon tungkol sa isinagawang pagpapasinaya rito noong Oktubre 12, 2015 sa University Theatre ng UP. Maliwanag na isa na naman ito sa mga desisyong ipinatupad nang walang isinagawang malawakang konsultasyon lalo na sa mga yunit na pangunahing maaapektuhan ng panukala. Mukhang hindi rin narinig o sadyang hindi dininig ang nauna na nating mga pagtutol simula pa noong taong 2010 kung kailan unang tinangka ng Confucius Institute na makapagtatag ng sangay nito sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Mariin kaming sumalungat noon at patuloy kaming naninindigan sa aming posisyon ngayon laban sa pagtatatag ng Confucius Institute sa loob ng ating Unibersidad batay sa mga sumusunod na dahilan:
1. Hindi dapat payagang magtatag ng isang sangay at mamahala ng mga programang magsasakatuparan ng kanilang mga pansariling adhikain ang isang banyagang institusyon lalo pa’t autonomous ito at hindi nagpapasailalim sa pangangasiwa ng Unibersidad;
2. Kasalukuyan na nating isinasakatuparan sa Unibersidad ang mga pangunahing gawain ng Confucius Institute kabilang na ang pagtuturo ng Mandarin at mga araling may kaugnayan sa Tsina;
3. Malinaw ang naisin ng institusyong ito na “itama” ang diumano’y “maling” pagtuturo ng mga wika at mga araling Tsino. Tahasang banta ito sa ating pinapahalagahang academic freedom maging sa ating mga layunin sa pagtuturo na nakabatay sa core values natin bilang Pambansang Unibersidad ng Pilipinas. Baligtarin natin ang sitwasyon: papayag kaya ang pamahalaang Tsina na magtatag ng isang sangay ng pambansang institusyon ang Pilipinas upang “itama” ang pagtuturo ng wikang Filipino at mga araling may kaugnayan sa Pilipinas sa loob ng kanilang pambansang unibersidad?; at
4. Patuloy na dumarami ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga naitatag nang Confucius Institute sa iba’t ibang unibersidad sa buong mundo. Kabilang na rito ang mga insidenteng may kinalaman sa censorship at academic freedom (hal. Braga Incident), hiring policies, soft power initiatives at iba pa, dahilan kung bakit patuloy din ang mga masidhing panawagan upang ipasara ang mga ito sa iba’t ibang pamantasan (hal. University of Chicago, Pennsylvania State University, University of Lyon at Stockholm University).
Bilang bahagi ng ating PAMBANSANG unibersidad, hindi katanggap-tanggap para sa amin ang kawalan ng malawakang pananaliksik, pagsusuri, pagtitimbang at lalo na ng masusing konsultasyon bago tanggapin ang iginigiit ng organisasyong ito. Nakababahala rin ang tila pagsasantabi sa nauna nang ipinahayag na pagtutol sa balaking ito at agarang pagpasok ng ating Pamantasan sa isang kasunduan samantalang maliwanag namang hindi ito maituturing na isang dagliang pangangailangan.
Kaugnay nito, nananawagan ang Departamento ng Linggwistiks sa mga kasamahan sa Unibersidad ng Pilipinas na sama-samang manindigan upang hilingin ang mga sumusunod:
1. Ang agarang pagpapawalang-bisa sa anumang kasunduang nabuo sa pagitan ng ating Pamantasan at ng Confucius Institute;
2. Ang pagpapatupad ng malawakang konsultasyon sa anumang hakbangin na maaaring makaapekto sa ating mga kasalukuyang programa; at
3. Ang pagsasaalang-alang sa ating mga pinapahalagahang prinsipyo at core values bilang Pambansang Unibersidad ng Pilipinas bago ang pagpasok sa anumang kasunduang magbibigay-daan sa pagtatatag ng sangay ng isang banyagang institusyon sa ating Unibersidad.
Sa halip na payagang magtatag ng sangay ang isang banyagang institusyon sa UP, mas nararapat na bigyang suporta at palakasin ang mga kasalukuyang programa sa ating Unibersidad na nagtuturo ng mga banyagang wika at mga araling may kaugnayan sa ibang bansa. Huwag tayong pumayag na maging kasangkapan ng isang dayuhang institusyon upang magpatupad ng mga programang sila mismo ang lumikha at nakabatay sa kanilang binuong pamantayan.