Abstract:

Malaon nang paksa ng iba’t ibang mga pag-aaral at kongresong pangwika ang nakababahalang kalagayan ng marami at patuloy pang dumaraming mga wika sa daigdig. Sa kabila nito, kapansin-pansing sa kontektso ng Pilipinas, ang diskurso tungkol sa panganganib ng mga wika ay hinuhubog ng mga palagay at dulog mula sa labas ng bansa. Sa ganang ito, nilalayon ng kasalukuyang pananaliksik na makaambag sa pagpapanibagong-hulma ng nakahiratihang naratibo sa diskurso ng panganganib ng mga wika sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga lapit na malimit na ginagamit sa pagtatasa sa sigla ng mga wika sa bansa at sa pagpapanukala ng sistemang aangkop sa natatanging kontekstong kinaiiralan ng mga wika at diyalekto sa Pilipinas. Upang maabot ang mga layuning ito, kritikal na sinuri ang tatlong lapit (i.e., language vitality and endangerment o LVE ng UNESCO (2003), expanded graded intergenerational and disruption scale o EGIDS nina Lewis at Simons (2010), at language endangerment index o LEI nina Lee at Van Way (2016)) na karaniwang ginagamit sa pagtatasa sa sigla ng mga wika sa Pilipinas. Mula sa naging tuklas sa ginawang pagsusuri, bumalangkas ng isang sistema para sa pagtatasa sa sigla ng mga wika at diyalekto sa bansa. Ang binuong sistema ay ginamit sa pagsilip sa kalagayan ng dalawang wika (i.e., Ayta Magbukun at Kinaray-a) at isang diyalekto (i.e., Kapampangan Mabatang). Lumutang sa pananaliksik na isa sa mga pangunahing suliranin sa diskurso ng sigla at panganganib ng mga wika at wikain sa bansa ay ang paggamit ng mga sukatang hindi naaangkop o mahirap ipilit na maiangkop sa danas ng mga komunidad pangwika sa bansa. Kung kaya, ang pagkakaroon ng isang sistemang payak ngunit nakabatay sa nangyayari sa Pilipinas ay tunay na kinakailangan upang matamang masuri ang estado ng mga wika at diyalekto sa bansa.

  • Author: Noah Cruz
  • Adviser: Jesus Federico C. Hernandez
  • Year: 2024
  • Language/s: Kinaray-a, Ayta Magbukun, Kapampangan Mabatang
Topic/s: language vitality, language endangerment