Sa wikang Hapones, mayroong dalawang pangalan para tukuyin ang wikang Filipino: Firipin-go at Firipino-go. Sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga pamagat ng mga akdang naka-Hapones at mga opisyal na pahayagan ng mga pamahalaan sa Hapon, tatalakayin ng artikulong ito ang mga sumusunod: (1) anu-anong baryasyon ng pangalan ng Wikang Pambansa ang ginagamit sa wikang Hapones?; (2) ano ang mga problema kung mayroong higit sa dalawang baryasyon sa pangalan ng Wikang Pambansa?; at (3) paano pag-iisahin ang pangalan ng Wikang Pambansa sa wikang Hapones? Una, naipakita ng artikulong ito na magkahalong ginagamit ang higit sa dalawang pangalan ng Wikang Pambansa sa wikang Hapones. Pangalawa, problemado ang pagkakaroon ng higit sa dalawang pangalan para sa iisang wika dahil (a) maaaring maging mahirap hanapin ang mga materyales o impormasyon lalo na sa panahon ng Internet, at (b) maaaring makahadlang ito sa pagpapaunlad at pagpapalawak ng Wikang Pambansa. Samakatuwid, iminungkahi ng artikulo ang mga sumusunod. Una, dapat pag-isahin ang pangalan ng Wikang Pambansa sa Firipin-go alinsunod sa kombensyon ng wikang Hapones. Pangalawa, dapat magkaroon ng kamalayan ang mga Hapones sa kanilang paggamit ng terminolohiya kapag binanggit nila ang Wikang Pambansa dahil natatangi sa wikang Hapones ang isyung ito. Sa kasakuluyang lipunan ng Hapon, kung saan umaangat ang presensiya ng wikang Filipino, hindi mainam ang pagbaba ng kadalian sa paghahanap nito. Pangatlo, dapat palakasin ang pagpapakilala kung ano ang wastong pangalan ng Wikang Pambansa hindi lamang sa loob ng Pilipinas kundi sa ibang mga bansa. Bilang kongklusyon, isinasaad ng artikulo na kinakailangang maipabatid ang saloobin ng mga may kapakinabangan sa Pilipinas at Hapon, patungkol sa sitwasyon ng mga wikang pambansa sa ibang bansa upang mapag-isa ang pagtukoy sa Wikang Pambansa ng Pilipinas. Mahalaga ito dahil ang interes at pag-aaral mula sa dayuhang perspektiba ay makakaambag din sa pagpapatibay, pagpapayabong, at pagpapalago ng Wikang Pambansa.
- Author: Kenichiro Kurusu
- Publication Type: Journal Article
- Published In: The Archive Journal
- Topics: Tagalog/Filipino
- Link: https://journals.upd.edu.ph/index.php/archive/article/view/10541