Abstract:

Inihaharap ng papel ang ilang kritikal na tala sa Diksiyonaryo ng Wikang Pilipino (DWP) ni Rosendo Ignacio na inilimbag noong 1958 ng Samar Publishing, Co. Sa pagkilates sa mga estruktural na katangian sa iba’t ibang antas: mega-, macro-, micro-, cross-reference structure, atbp. at isinasaad na punsiyon ng DWP, dumudulog ang pag-aaral na ito sa mga establisadong prinsipyo ng kontemporaneong leksikograpiya at kritisismong pandiksiyonaryo. Sa antas na ito ng analisis ay lumilitaw na may mga pagkukulang ang DWP bilang isang diksiyonaryong nakatuon sa mga mag-aaral ng mababa at mataas na paaralan, i.e. may tahasang nakasaad na pedagohikal na punsiyon. Kakikitaan din ng ilang kontradiksiyon sa isinaad na metodolohiya at teoretikal na lapit ng DWP sa realisasyon nito sa aktuwal na mga katangian ng diksiyonaryo gaya ng ortograpiya, pagpili ng lemma, atbp.

Bagamat nakatuon sa estruktura, nakaangkla pa rin ang lahat ng obserbasyon, puna, at ebalwasyon sa mga kongkretong historikal na kondisyon at konteksto ng pagkakasulat at pagkakalimbag sa DWP: ang mga panimulang yugto sa kasaysayan ng pagsusulong ng Wikang Pambansa na ngayo’y tinatawag na Filipino.