Abstract:

Hindi maitatangging napakalaki ng naging epekto ng pandemya sa pamumuhay ng mga tao sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Hinubog ng ating mga karanasan sa panahon ng krisis na ito ang iba’t ibang aspekto ng ating mga buhay, maging ang paraan kung paano natin tinitingnan ang mismong pandemya. Sa ganitong diwa, nilalayon ng pananaliksik na ito na mailahad ang iba’t ibang pagtingin ng mga Pilipino sa pandemya sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga metaporang ginagamit sa wikang Filipino upang ilarawan ang COVID-19 pandemic. Upang maabot ang layunin ng papel, dalawang corpora ang ginamit. Mula sa corporang ito ay itinala ang mga metaporikal na ekspresyong naglalarawan sa pandemya. Batay sa mga nakalap na datos sa corpora, apat na pangunahing tema ang natukoy: ANG PANDEMYA AY DIGMAAN, ANG PANDEMYA AY UNOS, ANG PANDEMYA AY SÚNOG, at ANG COVID-19 AY NILALANG NA MAYROONG PAG-IISIP. Natuklasan sa pag-aanalisa sa mga metaporang ito na ang mga metaporang ginagamit kaugnay ng pandemya ay hindi lamang mga payak na ekspresyong lumilitaw sa mga usapan bagkus ay mayroon itong malawak na implikasyon sa kamalayan ng mga mamamayan at sa pagkilos ng mga nakapangyayaring sektor ng lipunan.